Saturday, 23 July 2016

Huwag ka ng umiyak.





Walang sinumang  tao dito sa ating mundo ang hindi pa nakararanas na umiyak lalo na kapag tayo ay mayroong pinagdadaanang problema sa buhay. Kung inaakala natin na hindi umiiyak ang mga kalalakihan ay nagkakamali tayo. Sadyang mapagtago lamang sila sapagkat ayaw nilang mayroong makakita ng mga luhang tumutulo mula sa kanilang mga mata pagkat paniniwala nila’y nakakababa ito ng kanilang pagkalalake. Ngunit ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pag iyak? Ito ba’y nangangahulugang ikaw ay isang mahina? Talunan? o nangangahulugan lamang nito na ikaw ay mayroon ding damdaming nasasaktan na tanging sa pagluha mo na lamang ito na ipapakita?

Madaming tao ang madalas na nagsasarili lamang upang sa gayon ay magkaroon sila ng oras na lumuha. Ang luha ay isa sa paktor na nagdudulot ng paggaan ng ating mga kalooban, kung ikaw man ay may mabigat na pasanin o problema sa buhay na sa iyong palagay ay hindi mo na kaya. Isang paraan lang ang lagi at nakasanayan na nating gawin, at ito ay ang pagiyak. Aminin man natin o hindi. Ito lamang ang tanging naiisip nating gawin kapag tayo’y mayroong mga problema. Mapag-isa, magkulong sa kwarto, at umiyak hanggang sa halos matuyuan ka na ng tubig sa mata sapagkat wala ng tumutulo pang luha mula dito ang kadalasan nating ginagawa.

Tipong hanggat naaalala mo ang iyong mga problema ay lalo pang sunod sunod na pumapatak ang tubig mula  sa iyong mga mata na kasabay nito ang kaunting kirot na iyong mararamdaman sa kaliwang bahagi ng iyong dibdib sapagkat hindi ka na halos makahinga. Ganyan tayong mga tao. Bukod sa ating Panginoon, Iyak ang nagiging sandigan natin sa oras na walang wala at problemadong problemado na tayo.  Nakakagaan din naman kase kahit papapano ang pag iyak sapagkat nailalabas mo ang iyong emosyong iyong pinagkakatago tago sa harap ng mga tao at mga mahal mo sa buhay.

Subalit palaging tatandaan. Na hindi sa lahat ng oras ang luha ay para lamang sa mga may pinagdadaanan sa buhay. Ang pagluha din kung minsan ay katumbas ng kaligayahan o sa salitang ingles ay “Tears of joy” dahil sa mga sandaling tayo’y galak na galak o hindi makapaniwala sa mga nangyayareng maganda sa iyong buhay ay hindi mo naiiwasang hindi maluha. Ngunit sana lamang ay hindi natin masyadong ugalin ang pag iyak sapagkat ito din ay pwedeng magdulot sa iyo ng pagkakasakit sa puso. Kaya kaibigan, huwag mong masyadong isipin ang mga problemang mayroon ka ngayon. Harapin natin ito ng matatag at may lakas ng loob at tiwala sa sarili sapagkat ito ay pagsubok lamang sa atin ng Panginoon kaya huwag ka ng umiyak, bangon kaibigan. Ayusin ang sarili at magsimulang solusyunan ang kung anumang problema ang mayroon ka.


No comments:

Post a Comment