Wednesday, 20 July 2016

Kaibigan, totoo ka ba?


Totoo nga ba ang mga taong nakapaligid sa atin? Ang mga taong inaakala natin ay mapagsasabihan at mapagkakatiwalaan ng ating mga sikreto? Mga sikretong nararapat lamang ay manatiling nakatago? Ngunit paano kung isang araw ay malaman mo nalang na ang kaibigang siyang lubos mong pinagkakatiwalaan ay siya palang isa sa sumisira sa iyong pangalan habang ikaw ay nakatalikod. Traydor mo bang matatawag ang ganitong klase ng kaibigan?

Sa panahon natin ngayon, sadyang napakahirap makatatagpo ng mga tapat at totoong kaibigan. Mga kaibigang hindi ka basta basta iiwan sa ere anuman ang mangyari. Kaibigang mapatalikod o mapaharap ka man ay parehas lamang ang turing sayo, walang halong kaplastikan o panguuto. Totoo lang. Ngunit sa mga nangyayari ngayon sa ating paligid, pansinin nyo na sadyang dumadami ang kaso ng mga magkakaibigang nagkaka-away o pagkakaibigang nasisira ng dahil sa pagt'traydor at paninira sa isa't isa kapag ito'y nakatalikod na. May ilan ay siyang siya na pagusapan ang kanilang kaibigan kapag itoy wala, plastikan duon, plastikan dito. Bakit hindi natin subukang magpakatotoo? Libre lang naman ang magpakatotoo at wala pang kahirap hirap gawin ito. O sadyang may mga tao talagang ang libangan ay pintasan o husgahan ang kanilang kapwa lalo na ang kanilang mga kaibigan?

Kaibigan mo bang maituturing ang isang taong matalikod ka lang sandali ay iba na ang tingin sayo? Kaibigang hindi ka lamang sinisiraan sa ibang tao kundi sya ring nagbibigay ng masasamang komento laban sayo? Kay hirap nga namang mabuhay sa mundong mapanlinlang, tipong ibibigay mo ang lahat ng tiwala mo dahil sa kampanteng kampante kang hindi ka nya t'traydurin at sisiraan sa ibang tao. Ngunit ano lamang ang ating napapala? Sa huli'y tayo lamang din ang lumalabas na masama sa paningin ng iba. Kaya payo lamang mga kaibigan. Maging mapili sana tayo sa pagpili ng mga kakaibiganin at huwag basta basta naglalahad ng lahat ng iyong sikreto sa buhay. Mag ingat ka kaibigan. Maging mapag'matyag, mabusisi, at mag'ingat.




No comments:

Post a Comment